UMARANGKADA na ang manhunt operations ng Philippine National Police (PNP) laban sa itinuturong mastermind at tatlo pang kasabwat sa pamamaril kay Datu Odin Sinsuat Mayor Lester Sinsuat noong Enero 2.
Kasunod ito ng pag-isyu ng Cotabato City Regional Trial Court Branch 13 ng Warrant of Arrest laban kay Ansawi Limbona, alyas Jojo Limbona, dahil sa kasong murder, pati na rin sa tatlo pang kasama niya.
Pahayag ni PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, hindi tumitigil ang Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station sa paghahanap upang madakip ang target na suspek at mga kasamahan nito sa lalong madaling panahon.
Dagdag ni Fajardo, dahil nabigo ang pulisya sa unang pagtatangka na maisilbi ang warrant laban kay Limbona, ibabalik muna ito sa Korte at hihintayin ang paglalabas ng alias warrant of arrest para sa kaso, na isang non-bailable offense.
Sa insidente ng pamamaril ng grupo ni Limbona, nasawi ang police escort ni Mayor Sinsuat na si PSSgt. Zahraman Mustapha Dicolano.
Dahil dito, hinikayat ni Fajardo ang publiko na magbigay ng impormasyon ukol sa kinaroroonan ni Limbona at ng kanyang mga kasapakat upang agad malutas ang kaso.
Si Jojo Limbona, dating Board Member ng Maguindanao at asawa ng kasalukuyang Chancellor na si Hejira Nefertiti Mcalandong Limbona ng isang unibersidad sa Mindanao, ay nahaharap din sa reklamo sa Ombudsman dahil sa umano’y paggamit ng kagamitan at koneksyon ng paaralan sa panggigipit sa Brgy. Ambolodto, Datu Odin Sinsuat.