Wala nang nakikitang dahilan ang kampo ni dating Senador Bongbong Marcos para hindi pa dalhin sa PET o Presidential Electoral Tribunal ang mga kinukuwestyon nilang balota noong 2016 Elections.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos, natapos na ang preliminary conference sa inihain nilang election protest laban kay Vice President Leni Robredo.
Sa ngayon anya, hinihintay na lamang nila ang paglabas ng order mula sa PET kung anong petsa sisimulan ang judicial revision at manual na pagbibilang ng mga boto.
Sinabi ni Rodriguez na nabayaran na rin nila ng buo ang animnaput tatlong milyong pisong (P63-M) deposito na hinihingi ng PET.
Buo ang kumpiyansa ng kampo ni Marcos na mapapatunyan nitong sya ang nanalong Bise Presidente ng bansa sa sandaling matapos ang recount.
“Dito po sa manual recount and judicial revision we’re very confident na mapapatunayan po natin na ang tunay na nanalo at ang tunay na Vice President ng Republika ng Pilipinas ay walang iba kundi si Senator Bongbong Marcos”
“So far, I can say, ito na ang pinaka-malayong naabot ng isang election protest for Vice President na ang gamit-gamit na po natin ay yung automated elections system.”
- Len Aguirre | Balitang Todong Lakas Program (Interview)