Muling iginiit ng Department of Health na hindi maituturing na mabisang panlaban sa COVID-19 ang IVERMECTIN.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, batay sa pag-aaral ng Infectious Diseases Society of America na inilathala ng Oxford University Press noong June 28, hindi pa rin maituturing na gamot ang IVERMECTIN sa COVID-19.
Sa naturang pag-aaral, nagkaroon ng pagkukumpara sa standard of care o placebo, hindi nito napababa ang tyansa ng pagkamatay at hindi nito napaikli ang pagtagal ng virus sa mga sinuring pasyente na mayroong mild o hindi malalang kaso.
Hindi rin nakitaan ng bisa ang ivermectin sa mga severe adverse event o hindi magandang epekto.
Kaugnay nito, tiniyak ni Vergeire na kung sakaling may gamot namang lumitaw na tunay na nakakagamot ng COVID-19 ay hindi nila ito ipagbabawal, kailangan lang aniya nilang tiyakin na ito ay epektibo at ligtas para gamitin ng publiko.