Isusulong ni Sen. Bam Aquino ang panukalang batas na naglalayong huwag nang gawing krimen o i-decriminalize ang pagtataglay ng tatlo o mas kaunti pa rito na bilang ng bala.
Ito’y kasunod na rin ng pagkakabunyag ng tanim-bala na umano’y kagagawan ng mga airport personnel sa NAIA.
Ayon kay aquino, ihahain niya ang “iwas-tanim bala bill” upang hindi na mabiktima ng laglag-bala o bullet planting sa airport ang mga biyahero.
Sa ilalim ng Republic Act 10591 o Firearms and Ammunition Act ay ipinagbabawal ang pagdadala o pagbili ng baril o bala nang walang lisensya.
Bukod kay Aquino, may kahalintulad ding panukalang batas si Camarines Sur Representative Leni Robredo na inihain nito sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Kaugnay nito, isang online petition naman ang kumakalat para baguhin ang batas na nagpaparusa sa mga mahuhulihan ng bala.
Layon ng petisyon na matigil ang panghuhuli sa mga biyahero na nakikitaan ng bala sa bagahe.
Ayon naman kay Sen. Miriam Santiago, dapat masigurong nagagamit nang tama at hindi naaabuso ang naturang batas.
By Jelbert Perdez