Sinibak sa tungkulin ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP ang jail warden ng Metro Manila District Jail matapos masabat mula sa nasabing pasilidad ang iba’t ibang kontrabando.
Ayon kay BJMP Acting Chief; Chief/Superintendent Deogracias Tapayan, kanyang iniutos ang pagsibak kay Superintendent Gemelo Taol matapos makita ang mga hinihinalang shabu sa lalagyan ng asin, mga drug paraphernalia at mga patalim sa isinagawang Oplan Greyhound sa nasabing kulungan.
Nasabat din ng mga operatiba ng BJMP ang apatnapung (40) cellphones, animnapu’t dalawang (62) sim cards, siyam (9) na usb devices, pitumpu’t isang (71) pack at mahigit dalawang daang (200) stick ng sigarilyo, mahigit apatnaraang (400) stick ng tobacco at walumpu’t walong libo dalawang daan at dalawampung pisong (P88,220.00) cash.
Sinabi ni Tapayan na ang nasabing operasyon ay bahagi ng paglilinis ng ahensiya sa lahat ng kanilang district, city at municipal jails sa buong bansa kung saan kanilang kaagapay ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Binigyan-diin pa ni Tapayan ang matibay na paninindigan ng BJMP na malinis mula sa iligal na droga ang lahat ng mga kulungan sa bansa.