Nagpapalipat sa kustodiya ng NBI o National Bureau of Investigation si Janet Lim Napoles.
Ayon kay Atty. Stephen David, abogado ni Napoles, sumulat na sya sa Department of Justice o DOJ para mailipat sa NBI si Napoles matapos itong i-abswelto ng Court of Appeals (CA) sa kasong serious illegal detention.
Sinabi ni David na hindi na dapat nakakulong sa Correctional Institution for Women ang kanyang kliyente dahil para lamang ito sa mga sentensyado nang kriminal.
Kasabay nito, sinabi ni David na nais rin nilang mailipat sa NBI si Napoles upang makalahok sila sa diskusyon at pag-aaral sa planong gawing state witness sa pork barrel cases ang kanyang kliyente.
Janet Lim Napoles hindi bayani kundi isang criminal – Sen. Hontiveros
Tinawag na paglapastangan sa hustisya at pagpupugay bilang sa isang corrupt na tao ang di umano’y plano ng pamahalaan na gawing state witness si Janet Lim Napoles sa pork barrel scam.
Ayon kay Senador Risa Hontiveros, hindi bayani si Napoles kundi isang kriminal na utak ng sampung (10) bilyong pisong pork barrel scam.
Nagpahayag ng pangamba si Hontiveros na magamit si Napoles bilang political weapon para gipitin ang oposisyon.
Iginiit ng senadora na hindi dapat isakripisyo ng administrasyon ang katotohanan at hustisya na hangad ng publiko sa pork barrel scam para lamang bumuwelta o gumanti sa oposisyon.
Ombudsman nangangamba na makahirit ng house arrest sa Sandiganbayan si Janet Napoles
Nangangamba ang Office of the Ombudsman na makahirit ng house arrest sa Sandiganbayan si Janet Lim Napoles.
Ayon sa source ng DWIZ sa Office of the Ombudsman, dalawang (2) mosyon na ni Napoles na makapagpiyansa ang nakalusot sa Sandiganbayan.
Ito ay sa mga plunder cases kung saan ang kanyang kapwa akusado ay mga kongresista.
Sinabi ng source na posibleng isunod na ng mga abogado ni Napoles ang paghahain ng mosyon para sa house arrest sa mga dibisyon ng Sandiganbayan na dumidinig sa iba nyang plunder cases kung saan ang kanyang mag kapwa akusado ay sina dating Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla.
By Len Aguirre |With Report from Cely Bueno / Jill Resontoc