Malabong pumasa para maging state witness ng gobyerno si Pork Barrel Scam Queen Janet Lim Napoles laban sa mga dating opisyal na nakinabang sa PDAF o Priority Development Assistance Fund.
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na malinaw na nakasaad sa batas na ang kuwalipikasyon ng state witness ay dapat “least guilty” sa isang kaso.
Ayon sa Pangulo, si Napoles ang major player sa multi-bilyong Pisong pork barrel scam kasabwat ang mga dating opisyal ng gobyerno, Kongresista at ilang Senador.
Matatandaang binaligtad ng Court of Appeals ang hatol kay Napoles na habambuhay na pagkakabilanggo kaugnay sa kasong serious illegal detention na isinampa laban sa kanya ni Benhur Luy, ang whistleblower sa PDAF Scam.
Kaugnay nito, sinabi ng Presidente na talagang maaabswelto si Napoles dahil kung siya ang piskal, hindi niya iaakyat ang kaso sa korte.
Malinaw aniya na nakakalabas-masok si Luy sa bahay ni Napoles sa Magallanes, Makati City at hindi ito puwersahang ikinulong kaya hindi uubra ang isinampang kaso.
Kasabay nito, itinanggi ng punong ehekutibo na mayroong “sweetheart deal” sa pagitan ng gobyerno at kampo ni Napoles matapos mamagitan ang Office of The solicitor General sa kaso ng pork barrel queen, at hinirang naman sa Bureau of Internal Revenue ang dating abogado nito.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping