Nailipat na sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City si Janet Lim Napoles mula sa Correctional Institute for Women kaninang pasado alas-4:00 ng madaling araw.
Kasunod na rin ito ng kautusan ng Sandiganbayan First Division matapos mapawalang sala ng Court of Appeals si Napoles sa kasong serious illegal detention.
Iginiit ni Sandiganbayan First Division Acting Chairperson Geraldine Econg na walang ebidensya si Napoles na hindi siya magiging ligtas sa Camp Bagong Diwa kayat walang dahilan para dalhin siya sa NBI o National Bureau of Investigation.
Una nang hiniling ni Napoles na mai-custody sa NBI dahil sa banta sa kanyang buhay.
Sinabi pa ni Econg na hindi kasama sa mandato ng NBI na isailalim sa safekeeping ang mga detainee na naghihintay ng kanilang paglilitis tulad nang tinaguriang pork barrel queen.
Kaugnay nito, lalo pang hinigpitan ng BJMP o Bureau of Jail Management and Penology ang seguridad sa Camp Bagong Diwa.
Agad isinailalim sa physical exams at booking procedure si Napoles bago siya ihatid sa female dormitory.
Muli ring ipinaliwanag kay Napoles ang mga alituntunin ng BJMP.
By Rianne Briones / with report from Jelbert Perdez
Janet Lim Napoles nailipat na sa Camp Bagong Diwa was last modified: May 16th, 2017 by DWIZ 882