Pinakakasuhan na ng graft at malversation of public funds ng Office of the Ombudsman ang negosyante at umano’y pork barrel fund scam queen na si Janet Lim-Napoles kaugnay sa 2004 fertilizer fund scam.
Sa resolusyong inaprubahan noong July 11, nakitaan ng Ombudsman ng probable cause upang kasuhan si Napoles sa Sandiganbayan dahil sa paglabag Section 3-E ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Malversation of Public Funds sa ilalim ng Article 217 ng Revised Penal Code.
Pinakakasuhan din dahil sa kahalintulad na paglabag ang dating apat na opisyal ng Department of Agriculture-Region 13 na sina Assistant Regional Director Edgardo Dahino, Chief Administrative Officer Jessica Da-an; Administrative Officer Merylinda Santos, Accountant Gerry Leop; mga pribadong indibiduwal na sina Evelyn de Leon at Rodel Pontillas na kapwa opisyal naman ng mga non-government organization ni Napoles na Philippine Social Development Foundation Incorporated.
Ini-anunsyo ng tanodbayan ang resolusyon ilang araw bago ang pagreretiro ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa Huwebes, Hulyo 26.
Nag-ugat ang kaso sa pagbili ng DA-Caraga ng fertilizer para sa agricultural reinforcement project ng bayan ng Del Carmen, Surigao del Norte noong Mayo 2004 at paglagda sa isang memorandum of agreement sa PSDFI para sa fertilizer procurement na nagkakahalaga ng 5 million pesos.
—-