Patay ang isang lalaki sa pamamaril ng nakaasaran nitong security guard sa isang condominium sa Barangay San Lorenzo, Makati City.
Ayon kay Ayala Substation Chief Police Major Jay Ar Fajardo, kapwa dumalo ng birthday party ng isang katrabaho ang biktima na si Ronald Tolo, isang janitor, at suspek na si Dionisio Tabla na security guard.
Sa imbestigasyon lumabas na kinantiyawan ni Tolo si Dioniso at nang mapikon ito ay bigla na lamang pinagbabaril ang biktima.
Paliwanag ng awtoridad, bumagsak si Tolo mula sa ika-8 palapag ng condominum matapos barilin ng suspek na naging sanhi naman ng kamatayan nito.
Nahuli rin agad ng awtoridad ang suspek na nagtangka pang tumakas.
Depensa ni Dioniso, wala silang dating alitan at dala lang ng pagkalasing at pang-bibwisit ng biktima ang nagawa niyang krimen.
Inaalam na ng awtoridad kung nakarehistro ba ang caliber .38 na baril na ginamit sa pamamaslang.—mula sa panulat ni Joana Luna