Maging ang Japan ay interesado at nakaabang na rin sa idedeklarang standard bearer ng administrasyon at kung sino ang maaring pumalit kay Pangulong Noynoy Aquino.
Sa press conference ng Japan National Press Club, tahasang tinanong ng isang Japanese journalist ang Pangulong Aquino kung i-eendorso nito si DILG Secretary Mar Roxas kahit pa mahina sa mga survey.
Inalam din nito kung kailan magsasagawa ng anunsyo ang Pangulo sa mapipiling kandidato.
Sinabi ng Pangulong Aquino, isasagawa nito ang anunsiyo matapos ang kanyang State of the Nation Address (SONA) sa July.
Ayon sa Pangulong Aquino, i-eendorso niya ang kandidatong sa tingin niya ay magpapatuloy sa kanyang reform agenda.
Kasabay nito, tiniyak ng Pangulong Aquino na sinuman ang papalit sa kanya, mananatiling pinakamalaking trading partner ng Pilipinas ang Japan.
By Mariboy Ysibido