Magpapadala ng mga barkong pandigma at patrol planes ang Japan sa Middle East para mabigyang proteksyon ang kanilang mga barkong dumaraan sa nabanggit na rehiyon.
Ito ay sa gitna na rin ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran na iniuugnay sa mga nangyaring pag-atake sa ilang mga international vessels kabilang ang Japanese owned tanker na Kokuka Courageous ngayong taon.
Kabilang sa planong ipadala ng Japan ang isang helicopter-equipped destroyer vessel at dalawang P-3C patrol planes na siyang kukuha ng mga impormasyon para matiyag ang ligtas na pagdaan ng kanilang mga barko sa Middle East Region.
Sakaling may mga hindi inaasahang pangyayari, magpapalabas ng special order ang Japanese Defense Minister para payagan ang kanilang barko at eroplanong pandigma na gumamit ng armas para maprotektahan ang mga Japanese vessels.
Ang nabanggit na plano ng Japan ay nailatag na ni Prime Minister Shinzo Abe kay Iranian President Hassan Rouhani sa pagbisita nito sa Tokyo noong nakaraang linggo.