Niyanig ng malakas na lindol ang hilagang-silangang bahagi ng Japan.
Dakong 10:30 kagabi, oras sa Pilipinas, nang tamaan ng magnitude 7.3 ang Tohoku Region, sa Honshu Island.
Natunton ng Japan Meteorological Agency ang sentro ng pagyanig sa karagatang sakop ng Fukushima Prefecture at may lalim na 60 kilometro.
Naramdaman ang lindol hanggang Tokyo habang naglabas ng tsunami advisory na kalauna’y binawi rin ng ahensya.
Ayon kay Japanese Prime Minister Fumio Kishida, ina-assess na ng gobyerno ang pinsalang idinulot ng malakas na lindol matapos mawalan ng power supply ang mahigit dalawang milyong kabahayan habang sinusuri na rin ang Fukushima Dai-Ichi Nuclear Power Plant.
Kabilang ang Fukushima sa mga labis na napinsala ng magnitude 9 na lindol o “The Great Tohoku Earthquake” na nagdulot ng tsunami at nagresulta sa pagkasawi ng halos 20,000 katao noong March 11, 2011.