Sumaklolo na ang Japan sa nararanasang sobra-sobrang suplay ngayon ng mangga sa Pilipinas.
Ito ay sa harap ng ulat ng Department of Agriculture (DA) na nasa 2-Mkilo ng mangga ang surplus sa nagdaang harvest season.
Ayon kay Agriculture secretary Manny Piñol, nakatakdang umangkat ng 100kilo ng mangga ang Japanese fruit importer na Diamond Star Corporation.
Ang naturang kumpanya ay matagal na ring nag-aangkat ng mga prutas sa Pilipinas gaya ng papaya, pinya, mangga at maging singkamas.
Sinabi ng kalihim magtatakda sila ng pulong sa pagitan ng Japanese importers at ng mga mango farmers sa Luzon.
Una rito, umaaray na ang mga local mango growers dahil sa mababang presyo ng bentahan ng mangga na nasa P14 hanggang P16 pesos kada kilo bunsod ng sobra-sobrang suplay.