Agad dinala sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang road rage suspect na si Jason Aguilar Ivler matapos hatulan ng guilty sa kasong murder, kahapon.
Pagkatapos basahan ng sakdal sa Quezon City Hall of Justice ay agad umalis si Ivler kasama ang anim na opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology.
Hindi na nagpa-unlak ng panayam sa media si Ivler maging ang mga kaanak ng biktimang si Victor Ebarle Junior.
Taong 2010 nang maaresto ang pamangkin ng OPM artist na si Freddie Aguilar sa kasong pagpatay kay Ebarle, na anak naman ni Renato Ebarle Sr., na dating opisyal sa Malakanyang dahil sa away trapiko noong 2009.
Pangakong hustisya sa anak
Natupad ko na ang pangako ko sa aking anak.
Pahayag ito ni dating Presidential Chief of Staff Renato Ebarle, Sr. matapos i-welcome ang hatol na habambuhay na pagkabilanggo kay Jason Ivler na pumatay sa anak niyang si Renato Victor Ebarle, Jr. noong 2009.
Ayon kay Ebarle, nangako sila sa anak niya na bibigyan ng hustisya ang pagkamatay nito habang inihahatid nila ito sa huling hantungan.
Sinabi ni Ebarle na mahabang proseso nang paglilitis ang pinagdaanan nila sa nakalipas na anim na taon subalit ang conviction kay Ivler ay patunay lamang ng makatuwirang hustisya sa bansa.
Hindi aniya siya dumalo sa promulgation dahil hindi niya kayang makaharap si Ivler bagamat maaaring sa mga susunod na panahon ay mapapatawad niya ito.
Inamin ni Ebarle na hanggang ngayon ay hindi pa niya matanggap ang pagkamatay ng kaniyang anak na nag-iisang lalaki sa apat niyang supling.
Inihayag pa ni Ebarle na tiwala siyang kakatigan ng Court of Appeals ang desisyon ng Quezon City RTC dahil sa mabigat na ebidensyang inilatag ng prosecution kontra kay Ivler.
By Drew Nacino | Jonathan Andal | Judith Larino