Hindi nagbigay ng sworn statement laban kay Senator Leila de Lima ang convicted kidnapper na si Jaybee Sebastian.
Ito ang nilinaw ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa gitna ng umano’y napipintong paglutang nito sa Congressional Hearing.
Dahil dito, naniniwala si Aguirre na hindi idadawit ni Sebastian si De Lima sa illegal drug trade sa Bilibid.
Matatandaang nabunyag na nagkamal umano ng milyun-milyong pera si Sebastian mula sa drug money para sa election campaign ni De Lima.
Bukod kay Sebastian, posible ring dumalo sa pagdinig sa Oktubre 5, 2016 si Joenel Sanchez, dating security aide ni De Lima na sinasabing nagsilbi rin nitong bagman.
Ayon kay Aguirre, balak ding ilabas ng Department of Justice sa tamang panahon ang Anti-Money Laundering Council’s report mula sa isang bangko na umano’y konektado sa mga sindikato ng droga sa Bilibid.
Subpoena
Samantala, maglalabas ng subpoena ngayong linggo ang House of Representatives Justice Committee laban sa dating driver ni Senator Leila de Lima.
Ayon kay Committee Chairman at Oriental Mindoro Representative Reynaldo Umali, ito’y para paharapin si Ronnie Dayan sa imbestigasyon hinggil sa talamak na kalakalan ng iligal na droga sa National Bilibid Prisons sa Oktubre 5.
Giit ni Umali, hindi imbitasyon ang ipapadala nila kundi subpoena na dahil sinasabing nagtatago na si Dayan.
Bagama’t aaprubahan pa ni House Speaker Pantaleon Alvarez, ibinabala ni Umali na ipapaaresto nila si Dayan kapag binalewala nito ang subpoena.
Magugunitang nabunyag sa nakaraang pagdinig na sa dalawang pagkakataon ay si Dayan pa ang sinasabing tumanggap ng 10 milyong piso na dinala nina NBI Deputy Director Rafael Ragos at Jovencio Ablen sa bahay ni De Lima sa Parañaque City.
Inaasahan ding lulutang sa susunod na pagdinig si dating BuCor Chief Franklin Bucayo na umano’y nakinabang ng mahigit 1 milyong pisong drug money kada buwan noong ito’y nanunungkulan pa sa naturang ahensya.
By Jelbert Perdez