Ibinahagi ni Boston Celtics power forward Jayson Tatum ang kaniyang naging inspirasyon dahilan para manalo ang kanilang koponan kontra Miami Heat sa NBA Eastern Conference Finals sa iskor na 100-96.
Ayon kay Tatum, bago magsimula ang kanilang laro ay nagtext pa umano siya sa cellphone number ng kaniyang yumaong idolo na si NBA superstar Kobe Bryant.
Nabatid na nakapagtala si Tatum ng 26 points, 10 rebounds at 6 assist kung saan, suot niya ang purple arm band na may numerong 24, na jersey number ni Bryant sa Los Angeles Lakers.
Magugunitang pumanaw si Bryant noong 2020 makaraang bumagsak ang sinakyan nitong helicopter kasama ang kaniyang anak na si Gianna o mas kilala bilang “Mambacita” at pitong iba pa.