Magsasagawa ng online public interview ang Judicial and Bar Council (JBC) para sa mga kandidato sa pagka-mahistrado ng Korte Suprema na siyang hahalili sa magreretirong si Associate Justice Jose Reyes Jr.
Ayon kay JBC Clerk of Court Edgar O Aricheta, unang isasalang sa interview sa pamamagitan ng Zoom mula alas-9 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali sa Agosto 19 sina Court Administrator Jose Midas Marquez at Court of Appeals Associate Justice Ramon Cruz habang sina CA Associate Justices Eduardo Peralta Jr. at Nina Antonio-Valenzuela bandang alas-dos hanggang alas-singko ng hapon.
Samantala, sa Agosto 20, kakapanayamin din ng JBC sina CA Associate Justices Jhosep Lopez, Maria Filomena Singh at Sandiganbayan Associate Justice Oscar Herrera.
Kasabay nito, binuksan na rin ng JBC ang aplikasyon para sa posisyon ni CA Presiding Justice Romeo Barza, maliban sa puwesto ni Deputy Overall Ombudsman Melchor Arthur Carandang na magreretiro sa Oktubre 14.