Nais umanong gawing halimbawa ng grupo ni SPO3 RIcky Sta. Isabel ang koreanong negosyante na si Jee Ick-Joo sa ibang koreanong may online gaming business upang mag-under the table o magbayad sa ilang tiwaling taga-NBI o National Bureau of Investigation.
Ayon kay Philippine National Police o PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa, posible ring gusto ng mga nasa likod ng sindikato na bigyan ng leksyon si Jee dahil tumanggi itong magbayad o mabigay ng payola.
Batay anya sa background checking ng PNP Anti-Kidnapping Group ay matuwid na tao at negosyante si Joo.
Hindi rin umano nais ng dayuhan na mabahiran ng katiwalian ang kanyang negosyo kaya’t hindi ito kumakagat o pumapayag sa mga “under the table activities” ng ilang mga bugok na otoridad.
Samantala, sinabi ni Dela Rosa na bagaman may naririnig na siyang Korean mafia o kumpetisyon sa negosyo sa pagitan ng mayayamang Koreano hindi siya pamilyar sa operasyon nito.
By Drew Nacino | Report from Allan Francisco