Desidido si Pangulong Rodrigo Duterte na palitan na ang mga luma at kakarag – karag na mga jeepney sa kalsada na numero unong nagdudulot ng polusyon.
Kasunod ito ng ipatutupad na modernisasyon sa sektor ng transportasyon partikular na sa mga jeepney na una nang ipinag – utos mismo ng Pangulo.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kanilang nauunawaan na hindi madalian ang proseso ng pagpapalit ng mga jeepney subalit kinakailangan ito para sa malinis, ligtas at kumportableng serbisyo para sa publiko.
Giniit pa ni Roque na seryoso ang Pangulo sa kanyang sinabi noon na ‘guguyurin’ ang mga luma, kakarag – karag at hindi rehistradong mga jeepney kapag nakita pa niya itong muli sa kalsada ngayong taon.
Una nang sinabi ng Department of Transportation na hindi ura – urada ang pagpapalit sa mga luma gayundin sa mga kakarag – karag na mga jeepney sa ilalim ng ilalargang jeepney modernization ng pamahalaan.
Ayon kay DOTr Undersecretary Tim Orbos, may tatlong (3) taong transitory period para palitan ang lumang mga jeep dahil hindi naman aniya kakayanin ng mga lokal na manufacturer na punuan ang kinakailangang dami nito.