Tuloy ang pagpapatupad ng jeepney modernization program ng pamahalaan sa susunod na taon.
Ito ang tiniyak ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa kabila ng mga isinasagawang kilos – protesta ng transport groups laban dito.
Ayon kay Tugade, hindi na dapat pang itinatanong kung itutuloy ang modernization program dahil ito ang gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit pa ni Tugade, bilang diwa ng demokrasya sa bansa, maaaring magsagawa ng mga pagkilos ang mga transports group pero dapat sundin at bigyang importansya din ng mga ito ang benipisyong makukuha ng publiko sa program.
Sa ilalim ng modernization program kinakailangang bumili ng operators ng Euro 4 Compliant Units ng public utility vehicles at ang pag – phase out sa mga jeepney na may edad nang labing limang (15) taon pataas.
Matatandaang, nakansela ang nakatakda sanang dalawang araw na kilos – protesta ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide o PISTON sa bansa laban sa modernization program at jeepney phase out ngayong araw at bukas matapos pakinggan ang apela ni Senadora Grace Poe.