Inihayag ni volleyball player Jia Morado na ang health and safety concern ang dahilan kung bakit hindi sya sumipot sa tryout para sa binubuong national team ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF).
Sa liham na pinost ni Morado sa kanyang twitter account, sinabi nitong nais niyang makibahagi sa itinakdang tryouts schedule ng PNVF sa Subic ngayong linggo, ngunit nagpasya umano syang wag na munang dumalo dahil sa health crisis issues na kinakaharap ng lahat na dulot ng mapanganib na COVID-19.
Pahayag pa ni Morado, na miyembro ng Philippine team noong 2019 Southeast Asian games, na inabisuhan na umano sila na kailangan nilang sumailalim sa 14 days quarantine period bago ang isasagawang tryouts, subalit natanggap aniya ang letter sa ikalabing isang araw na bago ang nakatakdang iskedyul.
Dahil dito, nakaramdam umano ng pagkabahala sa kanyang kaligtasan si Morado at maging ang kanyang pamilya na kasama nito sa bahay.
Binanggit pa nito na dalawang lugar din ang kailangan nilang puntahan para sa tryout kung saan para kay Morado, ay nakababahala dahil sa posibleng maging turning point para sa kaso ng hawaan.
Bunsod nito, binigyang diin ni Morado na nirerespeto niya ang desisyon ng kanyang mga teammates na nagdesisysong pumunta o umattend sa nakatakdang tryouts sa kabila ng banta ng pandemya.
Paliwanag pa ng manlalaro, ginawa umano niya ang desisyon matapos na konsultahin ang kanyang doktor at ang mga miyembro ng kanilang pamilya na kabilang sa mga nasa high risk categories o iyong mga madaling kapitan ng virus.