Magsasagawa ng job fair ang pamahalaan para sa mga manggagawang maaapektuhan ng pagsasara ng Boracay.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan, target nito ang matulungan ang nasa tatlumpu’t anim na libong (36,000) manggagawa sa Boracay.
Posible aniyang idaos ang job fair bago ang pagsasara ng isla ng Boracay sa Abril 26.
Samantala, magsasagawa naman ng profiling ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa mga residente ng Boracay bago ikasa ang nasabing job fair para malaman kung anong trabaho ang maaaring ialok sa mga maapektuhan ng pagsasara ng isla.
(Ulat ni Jonathan Andal)
‘Closure preparation’
Mas pinaigting pa ng inter-agency task force ang kanilang paghahanda habang papalapit ang nakatakdang pagsasara at pagsasailalim sa rehabilitasyon ng isla ng Boracay.
Ayon kay Environment Undersecretary Jonas Leones, bukod sa tatlong pangunahing ahensiyang nangangasiwa sa pagpapasara at pagsasaayos sa Boracay, kabilang ang DENR, Department of Tourism at DILG, nakikipag-ugnayan rin sila sa ibang ahensya ng pamahalaan.
Aniya kasama na sa kanilang mga pulong ang mga kagawaran ng Trade and Industry, Health, Agrarian Reform at Labor and Employment para kuhanan ng inputs para sa anim na buwang pagpapasara at rehabilitasyon ng isla.
Sinabi pa ni Leones, mahigit isang daang (100) mga establisyementong naisyuhan na rin ng notice of violation ang kusa nang nagbaklas ng kanilang mga ari-arian.
—-