Hindi na ganun kasaya ang maraming Pinoy sa kanilang trabaho.
Batay sa survey ng Jobstreet.com, mula sa pangunguna sa pitong bansa sa Asya noong nakaraang taon, ngayon ay pangatlo na lang ang Pilipinas na may 4.97 na job happiness index mula sa dating 5.25.
Ayon kay Jobstreet Country Manager Philip Gioca, ang pagbagsak ng job satisfaction ng mga Pinoy ay dahil sa kakulangan ng career development at training opportunities sa mga kumpanya.
Naghahanap aniya ng paglago sa kanilang trabaho ang maraming manggagawang Pinoy.
Sa naturang survey din, lumilitaw na dagdag-sahod ang pangunahing makakapagpasaya sa mga manggagawang Pinoy.
Dagdag-sahod na nasa 33% habang 23% naman ang nais nang mag-resign at mag-apply sa ibang trabaho.
DOLE
Dapat ikunsidera ang kakayahan ng employer sa iginigiit na dagdag sahod ng mga manggagawa.
Reaksyon ito ni Labor Secretary Silvestre Bello III matapos lumabas sa survey ng jobstreet.com na dagdag sahod ang pangunahing makapagpapasaya sa mga manggagawang Pilipino.
Sinabi sa DWIZ ni Bello na sa katunayan ay nakukulangan pa siya sa pinakahuling umento sa sahod ng mga manggagawa o P21 subalit kailangang mabalanse rin ang kakayahan ng employer sa iginigiit na dagdag-sahod.
“Sinabi ko na kulang talaga yun pero when you consider yung salary na ibibigay sa manggagawa kailangan i-consider mo rin ang kakayahan ng employer, you have to keep the balance, ayon din sa pag-aaral at pag-assess ng Regional Tripartite Wage Board na yun muna ang puwedeng i-adjust, syempre nadismaya rin ang ating mga manggagawa, doon naman sa pagtaas ng minimum wage, dapat malaman ng ating mga kababayan na ang may kapangyarihang mag-fix ay ang Kongreso.”
(Judith Larino/ Balitang Todong Lakas)