Naglabas ng ulat ang World Bank tungkol sa pagdami ng mga negosyo na unti-unting pinapalitan ang mga high-skilled workers ng generative artificial intelligence (GenAI), na maaaring makaapekto sa humigit-kumulang 30 porsyento ng mga manggagawa sa sektor ng serbisyo sa Pilipinas.
Giit ng World Bank, nagdudulot ito ng mataas na pangangailangan para sa mga low-skilled workers dahil sa mas mababang sahod, kaya’t maaaring bumaba sa 4 porsyento ang bilang ng mga high-skilled workers sa mga sektor tulad ng finance at business management.
Matatandaang tinukoy ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa kanyang pahayag na bagamat wala pang opisyal na datos tungkol sa pagkawala ng trabaho dahil sa GenAI, may mga manggagawa nang naaapektuhan nito. Batay sa mga pagtataya ng industriya, mahigit kumulang nasa 300,000 Pilipino ang maaaring maapektuhan sa susunod na limang taon.
Sabi naman sa ulat ng Information Technology and Business Process Association of the Philippines (IBPAP), 8 porsyento ng kanilang mga miyembro ang nag-ulat ng pagbawas sa bilang ng mga empleyado dahil sa GenAI. Gayunpaman, sinabi ng IBPAP na hindi tataas ang bilang ng mga nawawalan ng trabaho sa AI kung magsasagawa ang mga kumpanya ng mga programa para sa upskilling ng kanilang mga empleyado.
Sa kabilang banda, binigyang-diin ni Atty. Mitchell-David L. Espiritu, tagapagsalita ng TRABAHO Partylist, na ang kanilang grupo ay mangunguna sa mga hakbang upang maibsan ang pagkawala ng trabaho sa pamamagitan ng mga legislative at policy measures na magbibigay proteksyon sa mga apektadong manggagawa sa mga technology-driven na workplace.
Kabilang sa mga hakbang na ito ang upskilling, reskilling, pagtukoy sa mga kakulangan sa kasanayan at talento, pagpapalawak ng mga bagong oportunidad sa trabaho, at paghahanda sa mga manggagawa upang mag-adapt sa mabilis na pagbabago ng digital na kalakaran sa mga lugar ng trabaho, dagdag pa ni Atty. Espiritu. Ayon din sa TRABAHO Partylist, sisilipin ng grupo kung maaaring itaas ang separation pay ng mga manggagawa na maaapektuhan ng pagtatanggal sa trabaho dahil sa GenAI.
Ipinahayag din ni Atty. Espiritu na nakatuon ang TRABAHO Partylist sa pagtugon sa kakulangan sa kasanayan ng mga estudyanteng nagtapos at mga manggagawang makikinabang mula sa bagong mga kasanayan o job skills. Ibinahagi nila na makikipag-ugnayan sila sa mga ahensya tulad ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang matugunan ang mga pangangailangan sa kasanayan.
Aniya, hindi laban ang kanilang grupo sa pag-usbong ng teknolohiya, ngunit prayoridad nila ang karapatan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagbuo ng mga mekanismo na magbibigay ng proteksyon sa mga manggagawa at maghahanda sa kanila sa mga pagbabago na hinaharap, upang matiyak na walang maiiwan habang patuloy na umuunlad ang bansa.
Sinabi rin ni Atty. Espiritu na layunin ng TRABAHO Partylist na magtaguyod ng positibo at proaktibong kolaborasyon sa pagitan ng gobyerno, mga negosyo, at mga grupo ng manggagawa upang protektahan at magbigay ng kakayahan sa mga manggagawa sa gitna ng mga banta at hamon ng GenAI at mabilis na pagbabagong dulot ng teknolohiya sa lugar ng trabaho.