Inaasahang aarangkada ngayong araw ang job summit na isa sa magiging Labor Day activity ng gobyerno sa pamamagitan ng zoom video conferencing.
Kasabay ng pagdiriwang ng araw ng mga manggagawa, ilalatag ang National Employment Recovery Strategy para sa taong 2021-2022 makaraang sumampa sa 4.2 milyon ang mga tambay o walang trabaho sa bansa.
Bukod dito, nakatakda ring lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang Executive Order o EO na may kinalaman sa National Employment Recovery Strategy (NERS).
Sinasabing ang NERS ay isang employment recovery plan para ngayong taon hanggang 2022 na layuning bumuo ng polisiya o mga panuntunan na maaaring magpalawak sa access sa trabaho, kabuhayan, at training opportunities.
Upang magpatuloy at magkaroon ng mas marami pang trabaho, prayoridad din sa ilalim ng NERS ang pagbibigay ng suporta sa mga kasalukuyang negosyo sa bansa.