Ipinag-utos ng Ombudsman ang pagsibak sa serbisyo kay dating Citizens’ Battle Against Corruption (CIBAC) Partylist Representative, ngayon ay Senador Emmanuel Joel Villanueva.
Itoy makaraang mapatunayang guilty si Villanueva sa grave misconduct, serious dishonesty at conduct prejudicial to the interest of the service.
Maliban dito, haharap rin sa paglilitis ng Sandiganbayan si Villanueva dahil sa mga kasong malversation of public funds, malversation thru falsification of public documents at dalawang kaso ng paglabag sa anti-graft and corrupt practices act.
Ang pagsibak at kaso laban kay Villanueva ay may kaugnayan sa di umano’y illegal na paggamit sa kanyang 10 milyong pisong PDAF o Priority Development Allocation Fund na kilala rin sa tawag na pork barrel noong kinatawan pa siya ng CIBAC sa Kongreso.
Kasama sa kakasuhan sa Sandiganbayan sina dating Agriculture Secretary at ngayo’y Congressman Arthur Yap, Ronald Samonte na isa sa staff ni Villanueva, Delia Ladera na empleyado ng DA, NABCOR Representatives Allan Javellana, Romulo Relevo, Ma. Julie Villaralvo-Johnson at Aaron Foundation Inc. President Alfredo Ronquillo.
Inaatasan ng Office of the Ombudsman si Senate President Koko Pimentel na ipatupad ang dismissal order laban kay Villanueva.
MR
Agad naghain ng motion for reconsideration si Senador Joel Villanueva sa dismissal order ng Office of the Ombudsman laban sa kanya.
Kasabay nito ay sinabi ni Villanueva na ipinauubaya na rin niya kay Senate President Koko Pimentel kung paano aaksyunan ang dismissal order ng Ombudsman.
Iginiit ni Villanueva na luma na ang mga alegasyong pinagbasehan ng Ombudsman sa desisyon nitong sibakin siya sa serbisyo.
Ayon kay Villanueva, miyembro siya ng minorya noong kinatawan pa siya ng CIBAC Partylist at hindi nya natanggap ang sinasabing 10 milyong pisong pork barrel fund.
Maliban dito, nagkaroon na rin anya ng conclusion ang NBI na peke ang mga pirma sa mga dokumentong nag-uugnay sa kanya sa pork barrel scam.
Binigyang diin ni Villanueva na sa kabila nito ay nananatili ang tiwala niya sa sistema ng hustisya sa bansa at malaki ang kanyang pag-asang makakamit niya ang hustisya sa takdang panahon.
By Len Aguirre | Jill Resontoc (Patrol 7) | Cely Bueno (Patrol 19)