Iniurong na ni John Paul Solano ang kanyang nilagdaang Waiver of Detention na may petsang September 22, 2017.
Sa kanyang Omnibus Motion, binigyang diin ng respondent na hindi maaring maging complex crime ang paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code at ang mala-prohibita o paglabag sa special law o Anti-Hazing Law na isinampa laban sa kanya.
Dahil depektibo umano ang reklamong inihain ng Manila Police District, lalabas na walang dahilan para sa ipiit si Solano.
Sa pamamagitan ng Waiver of Detention, isinusuko ng isang respondent ang kanyang karapatan sa ilalim ng Article 125 ng Revised Penal Code na nangangahulugan na pinahihintulutan niya ang kanyang pagkakapiit kahit lagpas sa reglementary period para siya ay maisalang sa inquest at makapagsumite ng counter affidavit.
Samantala, kaugnay naman sa reklamong perjury at false testimony laban kay Solano, naniniwala ang kanyang kampo na hindi ito dapat bigyan ng bigat dahil ang affidavit na kanyang isinumite sa MPD-homicide section bago sumuko ay hindi naman niya pinanumpaan sa harap ng notary public para maituring na balidong sinumpaang salaysay.
Ulat ni Bert Mozo
SMW: RPE