Isinailalim na sa inquest proceedings si John Paul Solano, ang isa sa mga itinuturing na pangunahing suspek sa pagkamatay ng UST Law student at hazing victim na si Horacio ‘Atio’ Castillo III.
Sinampahan ng mga kasong murder, perjury, obstruction of justice, robbery at paglabag sa Anti-Hazing Law si Solano sa Department of Justice o DOJ ngayong umaga.
Ang patung-patong na kaso laban kay Solano ay inihain ng Manila Police District o MPD matapos na ito’y sumuko nitong nakaraang linggo.
Pinangunahan ni Assistant State Prosecutor Susan Villanueva ang inquest proceedings kasama ang ilang opisyal ng MPD at mga magulang ni Atio.
Ayon kay Superintendent Erwin Margarejo, Spokesman ng MPD, matibay ang ebidensya nila kay Solano sa kasong perjury dahil siya mismo ang umamin na nagsinungaling siya nang magbigay ng statement sa pulisya.
Matatandaan na si Solano ang nagdala kay Castillo sa ospital kung saan siya nalagutan ng hininga.
Hinggil naman sa pahayag ni Solano na tinawagan lamang siya para magbigay ng medical assistance kay Castillo at hindi siya bahagi ng hazing, sinabi ni Margarejo na mayroon nang jurisprudence sa ganitong sitwasyon ang Korte Suprema.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni MPD Spokesman Superintendent Erwin Margarejo
Una nang sinabi ng pamilya Castillo na bagamat welcome sa kanila ang pagsuko ni Solano ay hindi naman sila pumapayag na gawin itong state witness sa kasong pagpatay sa kanilang anak.
By Len Aguirre / Aiza Rendon / Ratsada Balita Interview / with report from Bert Mozo