Umaasa si John Paul Solano, isa sa mga pangunahing suspek sa pagkamatay ng hazing victim na si Horacio Castillo III na ipalalabas na ngayong araw ng Department of Justice o DOJ ang resolusyon ng kanyang pansamantalang paglaya.
Ayon kay Solano, labis niyang ikatutuwa kung tuluyan na siyang makalabas ng kulungan dahil pinagsisihan na umano niya ang ginawang pagsunod sa utos ng mga ka-frat na itinuturo niyang sangkot sa pagkamatay ni Atio.
Ani Solano, pakiramdam niya ay iniwan na siya sa ere ng mga ka-brod matapos siyang makulong at mapagbintangan sa krimen.
Nauna rito, sinabi ng Manila Police District na handa silang tumalima sa kautusan ng DOJ kung ipag-uutos nito ang pansamantalang paglaya ni Solano.
Noong Lunes, humarap si Solano sa inquest proceeding sa DOJ kung saan sinampahan siya ng patung-patong na kaso ng MPD.
Samantala, kampante si Solano na hindi siya babalikan ng mga kasamahan sa Aegis Juris Fraternity sakaling kuhanin siya bilang state witness at pansamantalang makalaya.
Ito ay matapos isiwalat ni Solano sa executive session ang mga pangalan ng umano’y sangkot sa hazing na naging dahilan ng pagkasawi ni Horacio Castillo III.
Ayon kay Solano naniniwala pa rin siya sa kanyang mga frat at sa kanilang sinumpaan sa kapatiran.
Paliwanag pa ni Solano, batid niyang naiintindihan siya ng mga kasamahan sa kanyang ginawa hindi bilang isang ka-frat kung hindi bilang isang first responder sa pag-revived kay Atio.
Nagpaabot naman ng kanyang pakikidalamhati si Solano sa pagpanaw ni Atio na nakatakdang ilibing ngayong hapon sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.
(Ulat ni Aya Yupangco)