Magsasanib-puwersa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police o PNP para sa mas malalim na imbestigasyon sa ‘misencounter’ na naganap sa pagitan ng mga sundalo at pulis sa Sta. Rita Samar kung saan anim na pulis ang namatay.
Ayon kay Col. Edgard Arevalo, Spokesman ng AFP, aalamin nila kung paano nagkasagupa ang mga sundalo at pulis upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari.
Tiniyak ni Arevalo na aaksyunan ng AFP at PNP sakaling makita nilang may dapat managot sa insidente.
Una rito, ipinaliwanag ni Arevalo na nasa ika-lima hanggang ika-anim na araw na ang operasyon ng isang platoon ng 87th Infantry Batallion sa Sta. Rita Samar nang may makasagupa silang armadong grupo sa Sitio Lonoy.
Huli na aniya nang matuklasan ng mga sundalo na mga pulis ang kanilang naka-engkwentro.
“Wala pong may gusto ng pangyayaring ito at magagawa po tayo ng imbestigasyon upang alamin natin kung saan po ba nagkaroon ng pagkukulang, saan nagkaroon ng pagkakamali upang siguruhin natin pangunahin sa lahat na hindi na ito mauulit, ang mga malalaman natin ay gagawan natin ng karampatang aksyon, kung meron man pong makikitang nagkaroon ng pagkukulang at pagkakasala ay bibigyan po natin ng kaukulang kaparusahan.” Ani Arevalo
Samantala, posibleng nagkabulagaan ang tropa ng mga sundalo at pulisya kaya’t nagka-engkuwentro ang mga ito sa Sta. Rita Samar.
Ayon kay Chief Supt. Mariel Magaway, Director ng PNP Region 8, kapwa nagsasagawa ng combat operations ang mga sundalo at pulis nang magkatagpo ang mga ito sa masukal na bahagi ng Sitio Lonoy barangay San Roque Sta. Rita Samar.
Gayunman, hindi maiwasan ni Magaway ang magtaka kung bakit hindi nakilala ng dalawang grupo ang isa’t isa gayung parehong unipormado at naka-full battle gear ang mga ito.
Sinabi ni Magaway na ang puntong ito ang isa sa mga sinisilip na ng binuo nilang joint special task force.
“Hindi sila masyadong nagkakilalanan kasi medyo masukal ang lugar kung saan naganap ang insidente, kasi ang mga sundalo according to their officer ay may sinundan silang yapak and they occupied a high ground tapos nakita po nila ang mga pulis natin na dumaan.” Pahayag ni Magaway
(Ratsada Balita and Balitang Todong Lakas Interviews)