Binuwag na mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang joint board of inquiry na binuo ng Philippine Drug Enforcement Agency oPDEA) at ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y ayon sa Malakanyang ay makaraang ipag-utos ng pangulo na tanging ang NationaL Bureau of Investigation (NBI) na lamang ang tututok sa imbestigasyon hinggil sa nangyaring engkuwentro sa pagitan ng PDEA at PNP sa Quezon City nuong Miyerkules.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nais ng pangulo na magmula sa isang third party investigator ang magiging resulta ng imbestigasyon upang matiyak na walang magiging takipan sa magkabilang panig.
Nuong Huwebes pa gumulong ang imbestigasyon ng NBI hinggil sa nangyaring “misencounter” sa pagitan ng PDEA at PNP kung saan, patuloy ang pangangalap nila ng mga ebidensya.
Ayon kay NBI Spokesperson Ferdinand Lavin, ipakukuha rin nila ang cellphone ng mga miyembro ng PDEA at PNP na sumama sa operasyon para isilalim sa malalimang pagsusuri.
Sa sandaling matapos na, sinabi ni Lavin na isusumite nila ang ulat sa Department of Justice (DOJ) na siya namang maglalahad nito kay Pangulong Duterte.