Lumagda sa isang joint cooperation on maritime security sina Pangulong Rodrigo Duterte at Indonesian President Joko Widodo sa kanyang isang araw na state visit sa Indonesia.
Sa ilalim ng kasunduan, maaari nang pumasok ang Indonesian authorities sa karagatang sakop ng Pilipinas para habulin ang mga piratang namemerwisiyo sa mga seamen.
Sinabi ng Pangulong Duterte na kapwa problema ng Pilipinas at Indonesia, maging ng Malaysia ang mga pirata sa karagatang nasa pagitan ng tatlong bansa kaya’t sa pamamagitan ng nilagdaang joint cooperation on maritime security, pinapayagan ang Indonesia na makapasok sa karagatan ng Pilipinas sa paghabol sa mga pirata.
Nilinaw ng Pangulo na ang pamimirata ay “crime against humanity” kaya’t may go signal na ito sa Indonesia para habulin at pasabugin ang mga ito kung tatakbo sa karagatan ng Pilipinas.
Matatandaang ilang insidente na ng kidnapping ng mga Indonesian seamen ang naiulat na kagagawan umano ng pirata at saka ipinapasa ang mga ito sa mga Abu Sayyaf para ipatubos sa gobyerno ng Indonesia.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping