Hindi maaaring magkaroon ng joint development ang Pilipinas at China sa West Philippine Sea na sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ibinabala ni Senior Associate Justice Antonio Carpio na labag sa ating Saligang Batas ang pagpasok sa joint exploration sa loob ng ating EEZ.
Binigyang diin ni Carpio na walang sinumang pangulo ng bansa ang may karapatang ibigay ang sovereign rights ng Pilipinas sa mga dayuhan.
Iginiit ng mahistrado ng Kataaas-taasang Hukuman na kaya tinawag na exclusive ang ating economic zone ay dahil Pilipinas lamang ang tanging dapat makinabang dito.
Kung nais aniyang i-develop ng bansa ang West Philippine Sea ay maaari aniyang kumontrata na lamang ng mga dayuhan at babayaran na lamang ang mga ito sa kanilang serbisyo gaya halimbawa ng pag-drill ng langis at iba pa.
Matatandaang bago lumabas ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration na pabor sa Pilipinas ay nagpahayag ang Foreign Affairs Department na bukas ang pamahalaan na makipaghatian ng karapatan sa China sa pinag-aagawang West Philippine Sea.
By Ralph Obina