Inirekomenda ng Bureau of Customs (BOC) na magkaroon ng ‘joint filing’ kasama ang Department of Agriculture laban sa mga kontrabando o misdeclared goods na nahaharang ng ahensya.
Ayon kay BOC Spokesman at Chief Customs Operation Person Arnold De La Torre, Jr., kasama na nilang nagmomonitor ang DA dahil ang aduwana lamang ang pinapayagang maghain ng kaso sa Department of Justice.
Sa sandaling isampa na anya ang kaso sa DOJ, ang Customs lang ang tumututok upang umusad ang kaso at magkaroon ng mataas na conviction rate.
Gayunman, ipinunto ni Dela Torre na kung ipatutupad at aamyendahan ang batas na may kaugnayan sa agricultural smuggling, dapat makasama ang DA sa pagtutok sa kaso upang mapalakas ito.