Kailangan muna ng kasunduan bago magkaroon ng joint naval exercises sa pagitan ng militar ng Pilipinas at China.
Ito ang tugon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na bukas siya na makasama ang China sa naval drill sa South China Sea maging sa Sulu Sea.
Ayon kay Lorenzana, bagaman bukas sila sa planong ito ng Pangulo, kailangan munang makabuo ng kasunduan tulad ng visiting forces agreement na tutukoy sa detalye ng joint exercises.
Dapat anyang malinaw kung saang lugar gagawin ang mga aktibidad, anong units ang makikilahok, kailan gagawin ang pagpa-patrolya, ano ang layunin ng patrolya at anong uri ng komunikasyon ang gagamitin ng magkabilang panig.
Ipinaliwanag ni Lorenzana na mahalagang magkaroon ng kasunduan tulad ng V.F.A. Dahil kung sakali ay ito ang unang beses na makakasama ng A.F.P. ang China sa isang military exercise.
By: Drew Nacino / Jonathan Andal