Sinimulan na ng Pilipinas at Estados Unidos ang pagsasagawa ng joint patrols sa West Philippine Sea.
Ito’y sa gitna na rin ng lumalawak na reclamation at militarization activities ng China sa nabanggit na rehiyon.
Ayon kay Defense Secretary Ashton Carter, ikinasa ang unang joint patrol noon pang nakaraang buwan at ang pangalawa nama’y nitong unang bahagi ng Abril.
Binigyang diin ni Carter na ang ginagawa ng China ay nagdudulot ng ligalig at nagpapataas lalo ng tensiyon sa pinag-aagawang teritoryo.
US Defense Secretary Ashton Carter
Pinapaliit umano ng China ang kanilang mundo dahil sa usapin ng territorial dispute sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni US Defense Secretary Ashton Carter matapos makipagkita kay Pangulong Benigno Aquino III sa Malacañang.
Ayon kay Carter, hindi maitatangging mayroong concern sa Asia-Pacific region ang Amerika dahil sa “self-isolating behavior” ng Tsina kaugnay sa pag-aangkin ng mga teritoryong pinag-aagawan ng ilang bansa.
Sa kabila nito sinabi ng US official na hangad pa rin nila ang maayos at mapayapang resolusyon sa mga pinag-aagawang teritoryo upang hindi magkaroon ng problema sa freedom of navigation at malayang kalakalan sa rehiyon.
By Jelbert Perdez | Drew Nacino
Photo Credit: govph