Posibleng aprubahan ng senado ngayong araw ang joint resolution na magbibigay otoridad sa Malakanyang na ipamigay sa grupong Kadamay at iba pang benepisyaryo ang housing project na hindi okupado o mga nakatiwangwang.
Ayon kay Committee on Housing and Urban Planning Chairman Senator JV Ejercito, makikinabang dito ang mga informal settlers tulad ng grupong Kadamay na umangkin sa mga pabahay na tinanggihan ng mga pulis at sundalo sa Pandi, Bulacan.
Ani Ejercito, inaatasan ng resolusyon ang NHA o National Housing Authority na bigyang prayoridad ang qualified beneficiaries na nakatira ngayon sa mga delikadong lugar.
Binigyang diin naman ni Ejercito na hindi ito magiging lisensya para sa Kadamay at iba pang grupo na angkinin ang iba pang mga proyektong pabahay ng pamahalaan.