Nagkasa ng Joint Training Exercise ang mga tropa ng Joint Task Force Sulu na binansagang “Lupah Sug 03-2022″ sa Siasi, Sulu.
Nilahukan ito ng 500 miyembro ng Philippine Army, Navy at Air Force, kung saan tampok ang iba’t ibang “battlefield scenario”.
Ayon kay Maj. Gen. Ignatius Patrimonio, Commander ng 11th Infantry “Alakdan” Division at JTF Sulu, bukod sa paghasa ng kakayahang pandigma ng mga tropa, ang pagsasanay ay magandang pagkakataon para mapahusay ang “interoperability” ng iba’t ibang unit ng JTF Sulu, at mapatatag ang kanilang “camaraderie”.
Bukod sa “war games”, kasama din sa ehersisyo ang “Civic and Humanitarian Action Activity” kung saan nagkaloob ng libreng gupit, pag-tuli, medical check-up at gamot ang mga tropa sa 130 residente sa lugar.
Tiniyak naman ng heneral na nakikiisa ang militar sa lokal na pamahalaan at komunidad sa paghahatid ng pangmatagalang kapayapaan at tuloy-tuloy na pag-unlad sa lalawigan ng Sulu. —sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)