Posibleng mauna pang mapatalsik sa puwesto ang Pangulong Rodrigo Duterte kaysa masugpo ang rebolusyonaryong pakikibaka.
Buwelta ito ni Communist Party of the Philippines Founding Chairman Jose Maria Sison sa pahayag ng Pangulo na tutuldukan niya ang communist insurgency sa susunod na taon.
Ayon kay Sison, tila nalimutan ng Punong Ehekutibo na ang maramihang pagpatay sa kanyang war on drugs, pekeng pagsuko at police encounters sa kanyang Oplan Kapayapaan ay nag-uudyok sa mga mamamayan na labanan ang kanyang administrasyon.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Sison na tila naparami na ang nainom na fentany ng Pangulong Duterte.
Inihalintulad ni Sison ang Pangulo sa isang clown na anya’y pinaniniwala ang sarili na marami pang pera ang pamahalaan para magbigay ng trabaho at pabahay sa mga hinihikayat niyang mga rebelde na magbalik loob sa pamahalaan.
Sinabi ni Sison na ang katotohanan ay bankrupt na ang gobyernong Duterte dahil sa bureaucratic at military corruption, labis na paggasta ng militar at pulisya, counterproductive projects at patong-patong na utang.
—-