Tanging himala na lamang ang makakasagip sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at CPP-NDF o Communist Party of the Philippines – National Democratic Front.
Ito ang inihayag ni CPP Founder at NDF Political Adviser Jose Maria Sison kasunod ng pagkakaudlot ng peace talks.
Ayon kay Sison, ikukunsidera lamang ng mga rebelde na magbalik sa negotiating table kung babawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation Number 360 na nagteterminate sa peace talks noong Nobyembre 23.
Gayundin ang pagbawi sa Proclamation Number 374 na nagdedeklara sa CPP at New People’s Army bilang teroristang grupo at paggalang sa lahat ng napagkasunduan simula noong 1992.
Gayunman, iginiit ni Sison na kakailanganin din ng himala para matupad ang mga kondisyong ito lalo’t panay pa rin aniya ang birada ni Pangulong Duterte.
—-