Hindi aarestuhin si Communist Party of the Philippines Founding Chairman Jose Maria Sison sakaling tumuntong ito sa anumang Embahada ng Pilipinas sa ibang bansa.
Ito ang inihayag ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa kanyang naging pagdalo sa deliberasyon ng Commission on Appointments sa nominasyon ni Ambassador to the Netherlands Jose Eduardo Enciso Malaya III.
Ayon kay locsin, hindi niya ipag-uutos ang pagsisilbi ng warrant of arrest kay sison saan mang embahada ng pilipinas.
Sinabi ni locsin, magreresulta lamang kasi aniya ito sa isang palabas na mag-aanyaya ng katatawanan at kalauna’y galit na maituturing na kahihiyan para sa bansa.
Agosto ng nakaraang taon nang magpalabas ng warrant of arrest ang Manila Regional Trial Court Branch 32 laban kay sison at 30 iba pa kaugnay ng nadiskubreng mass grave sa Inopacan, Leyte noong 2006.