Sa Vietnam at hindi sa Pilipinas nais makipagpulong ni National Democratic Front of the Philippine Chief Consultant Jose Maria Sison kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Sison, handa siyang makaharap ang pangulo para sa pirmahan ng interim peace agreement sa Hanoi, Vietnam.
Sinabi ni Sison na una nang napagkasunduan na ganapin ito sa Oslo, Norway ngunit iminungkahi ng NDFP na sa Vietnam na lamang gawin bilang kunsiderasyon sa abalang schedule ni Pangulong Duterte.
Gayunman, ipinabatid ni Sison na hindi rin pumayag ang gobyerno sa mungkahing ganapin sa Vietnam ang naturang lagdaan.
Ngunit ayon sa lider ng komunistang grupo, maaga pa para siya ay bumalik ng Pilipinas at kaniya rin umanong pinangangambahan na baka malagay sa alanganin ang sitwasyon ng peacetalks kung sa Pilipinas ito gagawin.