Nakahandang umuwi sa Pilipinas si Communist Party of the Philippines o CPP Founding Chairman Jose Maria Sison kung makakatiyak siya na tuloy-tuloy na ang peace negotiations.
Ayon kay Sison, mapapanatag lamang ang kanyang kalooban na umuwi ng bansa kung mayroon nang tigil-putukan ang magkabilang panig, may amnesty, napalaya ang mga political prisoners at kung mareresolba ang mga importanteng usapin sa agrarian reform at rural development.
Kumbinsido si Sison na maaari itong mailatag ng peace panels sa loob ng animnapung (60) araw na palugit na ibinigay ng Pangulong Rodrigo Duterte para simulan ang peace talks.
Binigyang diin ni Sison na kung hindi maganda at maayos ang sitwasyon, mabilis na makakasingit ang mga tinagurian niyang peace spoilers at mauuwi lamang sa wala ang mga pag-uusap.
Una rito, inimbitahan ng Pangulo si Sison na umuwi ng bansa upang direkta nilang masubaybayan ang peace talks.
—-