Arestado ng National Bureau of Investigation o NBI ang isang Jordanian at pinay live-in partner nito dahil sa umano’y large-scale illegal recruitment.
Kinilala ng NBI ang dayuhan na si Ali Mo Tarrish at live-in partner nitong si Myrla Patarata Olor na aabot sa 100 ang nabiktima ng dalawa na karamihan ay mula pa sa mga probinsiya.
Halos mapuno ng mga nagrereklamo ang tanggapan ng NBI sa Ninoy Aquino International Airport nang maaresto ang dalawa sa paliparan.
Humihingi umano ang mga suspek ng 25,000 hanggang 32,000 peso placement fee sa mga biktima na pinapangakuan ng trabaho sa Dubai tulad ng janitor, waitress, delivery personnel at driver.
Ilan sa mga biktima ay nakapagsangla at nakapagbenta pa ng mga gamit, lupain maging kalabaw para lang makapagtrabaho sa ibayong dagat.
Aabot sa apat na milyong piso ang tinangay umano ng dalawa mula sa mga biktima habang lumitaw na hindi rehistradong recruiter ang mga suspek batay sa Philippine Overseas Employment Administration.