Usap-usapan ngayon sa social media ang pag-awit ni Jose Mari Chan ng “Christmas in our Hearts” sa isang event kamakailan.
Hindi dahil sa kinanta niya ang sikat na Christmas song nang Hulyo pa lamang, kundi dahil sa emosyonal niyang performance kung saan makikitang umiiyak pa ito.
Naantig man ang mga netizen, marami sa kanila ang nagtaka at nag-alala dahil taun-taon namang kinakanta ng tinaguriang “symbol of Philippine Christmas” ang kanyang hit song, ngunit tila ngayon lamang siya napaluha.
Maraming netizen ang napaiyak sa napanood na performance ni Chan. Ang ilan sa kanila, iba umano ang pakiramdam dahil mukha raw may pinagdadaanan ang singer.
Natakot naman ang isang netizen sa reaksyon ni Chan at umaasa siyang hindi ito premonisyon o warning na may mangyayaring masama.
Mayroon namang kumontra rito at nagsabing hindi ito premonisyon kundi realization na sa kanyang edad na 79, hindi pa rin siya nakakalimutan ng mga Pilipino.
Ayon pa sa isang netizen, “Mas manibago tayo ‘pag wala na si Jose Mari Chan na kakanta ng Christmas songs, kaya i-appreciate natin siya.”
Sabi naman ng isa, napakaswerte ng henerasyon natin dahil inabot natin ang isang katulad ni Jose Mari Chan.
Dahil sa kanyang kontribusyon sa local music industry, hinirang siya kamakailan ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry (FFCCCI) na maging isa sa mga national artist ng Pilipinas.
Naging malaking bahagi ng ating kabataan si Jose Mari Chan. Sa paglipas ng panahon, patuloy niyang binibigyang kulay ang ating Kapaskuhan at dahil doon, nararapat lamang na pasalamatan natin ang kanyang musika na nagdudulot ng saya at magandang alaala sa ating mga Pilipino.