(Updated)
Muling umarangkada ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Sub Committee laban kay Vice President Jejomar Binay.
Sa kauna-unahang pagkakataon, dumalo sa pagdinig si Senador Juan Ponce Enrile na kilalang kaalyado ni Binay.
Ayon kay Senador Koko Pimentel, Chairman ng Sub Committee, ito na ang ika-25 at huling pagdinig na sa isyung katiwalian laban kay Binay.
Sinabi ni Pimentel na nakapagsumite na sila ng partial report sa kinalaban ng kanilang imbestigasyon at nagkakaisa sila ng konklusyon na overpriced ang Makati City Hall Building II at naisagawa ito sa pamamagitan ng grand conspiracy ni Binay at iba pang mga opisyal ng Makati.
Inilahad rin ni Pimentel ang ilan sa mga panukalang batas na nais nilang mabuo mula sa resulta ng imbestigasyon.
Trillanes
Dalawandaan at limampu’t limang (255) makakapal na folders ang mga dokumentong nakalap ng Senate Blue Ribbon Sub Committee laban kay Vice President Jejomar Binay.
Ang mga documentary evidence ay nakatakdang ipasok ng Sub Committee bilang bahagi ng official records mula sa 25 hearings ng sub committee sa mga di umano’y anomalyang kinasasangkutan ni Binay.
Ito rin ang mga dokumentong isinumite ng Senado sa Office of the Ombudsman bilang ebidensya sa plunder case laban kay Binay.
Sa huling hearing ng sub committee, binigyang diin ni Senador Antonio Trillanes na ang tambak na ebidensya na hawak ng senado ay pawang mga ebidensya laban kay Binay.
Wala anyang katotohanan ang paid advertisement ni Binay na nagsasabing hindi pinansin ng Senado ang mga isinumite niyang ebidensya dahil wala naman itong naisumite na kahit anong ebidensya maliban sa affidavit.
Closed
Pormal nang isinara ng Senate Blue Ribbon Sub Committee ang kanilang pagdinig kaugnay sa mga usapin ng katiwalian laban kay Vice President Jejomar Binay.
Muling iginiit ni Sub Committee Chairman Koko Pimentel na in aid of legislation ang layunin ng kanilang isinagawang imbestigasyon sa umano’y overpriced na Makati City Hall Building 2 at sa iba pang kuwestyunableng ari-arian ng mga Binay.
Gayunman, nananatili pa rin ang mga arrest warrant laban kina Binay at sa mga umano’y dummies nito tulad nila Gerry Limlingan at Eudevijes o Ebeng Baloloy at iba pa.
Samantala, pinalagan naman ni Senador Antonio Trillanes IV ang ipinalabas na TV ad ni Binay na nagpapakita ng kaniyang pagiging api mula sa Sub Committee ng Senado.
By Len Aguirre | Cely Bueno (Patrol 19) | Jaymark Dagala