Higit sa 25,000 na magsasaka sa Iloilo ang makikinabang sa dagdag at walang tigil na suplay ng tubig na dala ng Jalaur River Multipurpose Project Stage II (JRMP II).
Sa inagurasyon ng naturang proyekto ng National Irrigation Administration (NIA), ibinahagi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sa tulong ng JRMP II, tataas ang produksyon ng bigas sa Western Visayas ng 160,000 metric tons kada taon.
Makapagbibigay rin ito ng 6.6 megawatts ng hydroelectric power na makatutulong naman sa suplay ng kuryente sa isla ng Panay.
Ang JRMP II ang pinakamalaking water reservoir project sa labas ng Luzon na may habang 80 kilometro at may service area na 31,840 hectares.
Naniniwala naman si Pangulong Marcos na higit nitong mapauunlad ang sektor ng agrikultura at maging ang ekonomiya sa rehiyon sa oras na makumpleto at maging operational ito sa susunod na taon.