Umapela sa publiko ang Joint Task Force COVID-19 na tantanan na ang mga insulto at huwag naman lahatin ang buong organisasyon ng pulisya sa di umano’y double standard ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) guidelines.
Ayon kay Joint Task Force Commander Lt. General Guillermo Eleazar, hindi ito makatarungan para sa mga pulis na nagtitiis sa init ng araw, nasasakripisyo na malayo sa pamilya at isinusugal ang sarili na mahawaan ng impeksyon –maipatupad lamang ang batas at protektahan ang taongbayan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nakakalungkot anya ang misinterpretation na mayroong double standard ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng batas matapos ang insidente sa Camp Bagong Diwa na ang tinutukoy ay ang birthday celebration ni PNP NCRPO Chief Debold Sinas.
Suportado anya nila ang imbestigasyon na ipinatawag ni PNP Chief Archie Gamboa at umaasa sya na magsisilbing tigapagpa alala ang insidente sa lahat ng public servants na maging sensitibo sa kanilang mga ginagawa.