Iginiit ng aktibista at performer na si Mae Paner alyas Juana Change na hindi niya intensyong bastusin ang militar sa pagsusuot ng uniporme ng mga sundalo sa rally noong SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Paner, kanyang ikinagulat ang naging pahayag ng AFP o Armed Forces of the Philippines na plano siyang kasuhan matapos na magsuot ng military uniform.
Aniya, kilala naman siya bilang isang performer at tulad ng ibang mga artista ay nagsusuot talaga ng iba’t ibang kasuotan sa kanilang mga pagganap.
Giit pa ni Paner, ang kanyang ginawa ay bahagi ng right to freedom of expression at gumagamit lamang siya ng political satire at komedya sa paghahatid ng hinaing sa pamahalaan.
“Gumagamit ako ng political satire eh, to exaggerate, to use comedy upang ikaw ay makapaglahad ng mga kahinaan, kakulangan sa lipunan, sa iyong effort na ito’y baguhin o i-improve ito, yan ay mahalaga sa isang demokrasya, sa isang malayang lipunan, nagsuot po ako ng uniporme, hindi ko naman po binaboy ang uniporme, pumupuna lang ako, ako pa ang kakasuhan nila?”
Ikinumpara rin ni Paner ang paraan ng kanyang pagsusuot ng uniporme ng mga sundalo sa pagsuot din ni Pangulong Rodrigo Duterte.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Mae Paner